Tuesday, July 27, 2010

Feature: Lights, Camera... Kongreso?


Lights, Camera... Kongreso?

Ni Leandre Bullet Sarte

Manny Pacquiao, Lucy Torres-Gomez at Lani Mercado. Ilan lamang sila sa mga bagong-halal na mga kongresista. Ngunit ang tanong ng karamihan, "Sapat na ba ang kasikatang natamo upang maupo sila sa Kongreso?"

Unahin na natin ang pambansang kamao na si Pacquiao, isa sa mga pinaka-pinagpipitagang boksingero sa mundo dahil sa angking galing sa lona. Nakilala din sa kanyang pamatay na left hook na nagpatumba na ng madaming Mehikano.

Ang tanong, "Magamit niya kaya ang lakas ng kanyang kamao sa pagsisimula ng mga sesyon sa Kongreso?"

Sa isang survey na isinagawa ng JCA Ignite sa high school department, halos 70% ang nagsabing makipaglaban siya kay Floyd Mayweather at halos isa sa sampu lamang ang umayong sumabak siya sa maduming mundo ng pulitika. Ito ay isang malaking patunay na ang kabataan, na itinuturing na "pag-asa ng bayan," ay walang nakikitang magandang dahilan para si Pacman ay pumasok sa pulitika.

Tignan naman natin sina Torres-Gomez at Mercado. Nagnininging ang kagandahan ng dalawa sa harap at likod ng kamera at nakilala sa husay sa pag-arte. Hindi kaya sila naman ay umarte lamang pagpasok sa Kamara?

Hati ang mundo ng showbiz ukol sa pagpasok sa pulitika ng dalawa. Ang iba ay nagsasabing maganda ito upang makatulong sa bayan. Samantala, ayon naman sa iba, dapat ay magpatuloy na lamang ang dalawa sa pag-aartista at wag ng suungin ang magulong mundo ng pulitika.

Karamihan sa mga bagong halal na kongresista ay walang magandang background sa pulitika. Sinagot naman nila ito sa pamamagitan ng pagkuha ng three-day course para sa mga mahalagang punto ng pagiging mambabatas.

May karanasan man o wala, dapat pa rin nating tignan ang layunin, adhikain at plataporma ng mga kongresistang ito para sa ikabubuti ng Pilipinas.

Gaya ng kasabihan, "Don't judge a book by its cover." At sa panahong ito, wala tayong karapatang husgahan sila dahil sa kanilang pagkakakilanlan.

1 comment: